Mahigit 433,000 na pasahero ang naitala sa lahat ng terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula Palm Sunday, ayon sa pinakahuling datos ng Manila International Airport Authority (MIAA).
Mas mataas ito kumpara sa nakaraang taon, kung saan mahigit 387,000 lang ang mga pasaherong dumaan sa parehong panahon.
Ayon sa ulat, noong Holy Tuesday, umabot sa higit 140,000 ang mga naglakbay sa pangunahing paliparan ng bansa. Kabilang dito ang higit 71,000 domestic passengers at mahigit 68,000 foreign travelers.
Samantala, naitala naman ng Manila International Airport Authority ang mahigit 142,000 pasahero noong Holy Monday at higit 150,000 noong Palm Sunday.
Sa kabila ng dami ng pasahero, nanatiling maikli ang pila sa travel tax at check-in counters. Inihayag din ni Immigration Deputy Spokesperson Melvin Mabulac na 55 immigration officers ang naka-duty sa lahat ng terminal upang mapabilis ang proseso ng mga pasahero. Mayroon pang 48 immigration officers na naka-standby tuwing peak hours, mula 3:30 a.m. hanggang 7 a.m. at 4 p.m. hanggang 7 p.m., upang matulungan ang dagsa ng mga pasahero. (Report by Bombo Jai)