-- Advertisements --

Naaresto ang mahigit 400 katao na pinaghihinalaang nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa panibagong raid sa Pasay City.

Pinangunahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group, at iba pang ahensiya ng pamahalaan ang operasyon sa isang condominium na malapit lamang sa headquarters ng National Bureau of Investigation.

Ayon kay PAOCC spokesman Winston Casio, ang naturang hub ay sangkot sa ilang network ng POGO operations sa buong bansa.

Sa Metro Manila, hinihinalang bahagi rin ito ng malaking POGO network na may koneksyon sa mga POGO operations sa Parañaque, Makati, Las Piñas, atbpang bahagi ng Pasay City.

Hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang inventory sa lugar.

Inaasahan namang ilalabas ng mga otoridad ang opisyal na datus ukol sa nangyaring raid, kasama na ang kabuuang bilang ng mga dayuhang mangagawa na umano’y sangkot sa naturang operasyon.