CENTRAL MINDANAO-ABOT na sa 42,303 mula sa kabuo-ang bilang na 52,583 ng vaccine doses na tinanggap ng City Government ng Kidapawan mula sa National Government kontra Covid19 ang naiturok ng City Health Office sa mga Eligible Priority Groups A1 hanggang A4 sa lungsod.
Sa bilang na nabanggit, 25,583 ang bilang ng unang dose samantalang 14,720 naman para sa second dose.
Ang natitira pang mahigit sa 10,000 doses ng bakuna ay ibinibigay sa nagpapatuloy na vaccination roll-out ng City Government.
Abot naman sa 23,092 ang bilang ng mga nakakumpleto na ng kanilang mga bakuna (1st and 2nd doses) mula sa target na 48,892 eligible priority groups nitong September 20, 2021.
Bago lamang ay binuksan na din ng CHO ang pagbabakuna ng mga nasa ilalim ng A4 eligible priority groups o mga Frontline Economic Workers gaya ng mga tricycle at public utility vehicles drivers at mga nagtitinda sa mga essential goods sa mga establishments sa Kidapawan City.
Sa kabilang dako, mabibigyan na ng second dose ng Sputnik V anti-Covid vaccines ang mga una ng naturukan nito nitong nakalipas na Hulyo 2021.
Kinumpirma mismo ng Department of Health 12 na may dumating ng bagong Sputnik V sa bansa na nakatakdang ibibigay bilang ‘second dose’ sa mga rehiyon na una ng tumanggap nito.
Inaasahang sa susunod na linggo ay maituturok na ang second dose ng Sputnik V para sa mga nakatakdang tumanggap nito, ayon pa sa DOH 12.
Nilinaw din ng DOH na magkaiba ang ‘component’ ng una at ikalawang dose ng Sputnik V.
Ibig sabihin, hindi pareho ang nilalaman ng una at ikalawang bakuna ng Sputnik hindi kagaya ng Sinovac, SinoPharm, Astra-Zeneca, Pfizer, Moderna na nauna ng ibinigay ng National Government.
Payo ng mga health authorities na antayin na lamang ang schedule ng ikalawang dose ng Sputnik V.