May kabuuang 438,622 katao o higit 100,000 pamilya ang naapektuhan ng sama ng panahon sa iba’t ibang bahagi ng bansa simula noong Enero 2, ayon sa mga datos ng Office of Civil Defense.
Sa pinakahuling ulat, sinabi ng Office of Civil Defense na 8,153 indibidwal o 2,144 na pamilya ang lumikas.
Ang kamakailang mga low pressure area, shear line, at northeast monsoon ay nagdulot ng malakas na pag-ulan sa Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, at sa marami pang bahagi ng ating bansa.
Dagdag pa ng Office of Civil Defense, hindi bababa sa 492 na mga bahay ang naiulat na nasira sa ngayon dahil sa sama ng panahon.
Idineklara na rin ang state of calamity sa tatlong lugar: Tubod, Lanao del Norte; San Miguel, Leyte; at Dolores, Eastern Samar.
Una rito, nagkaloob na ng tulong para sa mga nasalanta at biktima na nagkakahalaga ng mahigit P26.6 milllion.