Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot na sa mahigit 44,000 pamilya ang apektado ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan dahil sa shear line na nagdulot ng pagbaha sa Palawan at Occidental Mindoro
Sa pinakahuling datos ng NDRRMC nitong Martes, may 13,067 pamilya na binubuo ng 44,058 indibidwal mula sa 10 lungsod at munisipalidad sa Palawan at Occidental Mindoro ang naapektuhan ng pagbaha.
Ang mga apektadong lugar ay ang Aborlan, Brooke’s Point, Narra, Sofronio Española, at Puerto Princesa City sa Palawan; at Baco, Calapan, Naujan, Socorro, at Victoria sa Occidental Mindoro.
Nasa 7,800 indibidwal naman na ang inilikas mula sa kanilang mga tahanan at dinala sa 49 na evacuation centers.
Samantala, nasagip naman ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 108 indibidwal mula sa pitong barangay na nalubog sa baha sa Puerto Princesa City.
Ayon sa ahensiya, ang mga nasagip na indibidwal ay mula sa Barangay San Manuel, San Pedro, Bancao-Bancao, San Jose, Sicsican, Irawan, at Wescom Road.
Nasa maayos naman aniyang pisikal na kondisyon ang mga nasagip na indibidwal na dinala sa mga evacuation area ng kanilang barangay.
Matatandaan, nakararanas ng mga pag-ulan ang Palawan dahil sa epekto ng shear line, o ang convergence o salubungan ng malamig at mainit na hangin na nagdadala ng mga pag-ulan simula pa noong Pebrero 9.