Inilabas na ng Department of Agriculture ang pinal na halaga ng malawakang danyos sa sektor ng agrikultura na iniwan ng supertyphoon Carina at Habagat na nanalasa sa bansa noong Hulyo.
Batay sa final bulletin na inisyu nitong Agosto 21, iniulat ng DA-Disaster Risk Reduction and Mangement Operations Center na pumapalo sa P4.72 billion ang kabuuang halaga ng nawala sa production value sa mga pananim, livestock, poultry at fisheries matapos ang masinsinang assessment ng regional field offices ng ahensiya sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
Naitala ang naturang mga pinsala sa mga sakahan at pangisdaan sa 12 rehiyon sa bansa na nakaapekto sa mahigit 80,000 ektarya ng agricultural areas.
Pinakamatinding sinalanta ang palayan na nasa P1.08 billion ang halaga ng danyos na may total volume loss na 18,629 MT.
Sinundan ito ng Fisheries na nasa P783.96 million ang halaga ng danyos at high value crops na nasa P691.62 million ang halaga ng production loss gayundin sa maisan na nakapagtala ng P469.45 million na halaga ng pinsala.
Pagdating naman sa livestock at poultry sub-sector, nasa P38.26 million ang halaga ng danyos at sa cassava nasa P12 million.
Nasa kabuuang 137,999 magsasaka at mangingisda naman ang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa nagdaang kalamidad.
Bilang tulong, nakapaghatid na rin ng agaran at kaukulang assistance ang DA at BFAR para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda at may loan program din na maaaring i-avail ng mga ito.