Natanggal ang nasa kabuuang 5,105,191 pangalan mula sa opisyal na listahan ng rehistradong botante ng Commission on Elections (Comelec) para sa 2025 national at local elections.
Ilan sa mga dahilan ng pagkatanggal ng mga ito mula sa listahan ay dahil sa kabiguang bumoto sa 2 magkasunod na regular elections, kawalan ng Filipino citizenship sa bisa ng court order at walang valid documents.
Ayon kay Comelec chairman George Garcia, nasa 248,972 botante naman ang binura na sa listahan dahil patay na at ang ilan ay dahil sa multiple at double registration.
Samantala, nakatanggap naman ang poll body ng kabuuang 409,329 aplikasyon para sa reactivation ng mga botante mula noong Pebrero 12 hanggang Hulyo 20 ng kasalukuyang taon.
Ginawa ng poll body chief ang naturang pahayag ngayong araw sa isang press conference sa Mabalacat city sa lalawigan ng Pampanga kasabay ng pagsasagawa ng voter education and automated counting machine (ACM) demonstration para sa mga indigenous peoples (IPs) doon at para sa document evaluation kay suspended Bamban Mayor Alice Guo na nauna ng ipinagpaliban noong nakalipas na linggo dahil sa nagdaang kalamidad.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa kabuuang 4.6 milyong botante ang rehistrado para sa halalan sa susunod na taon.
Nagpapatuloy pa rin ang voter registration para sa 2025 elections na magtatapos sa Setyembre 30.
Maaaring magparehistro ang mga applicants mula araw ng Lunes hanggang Sabado sa oras na alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon sa mga tanggapan ng Comelec sa buong bansa.