Nanganganib na makaranas ng mga pagguho ng lupa at baha ang nasa 5,688 barangay sa mga rehiyong inaasahang maaapektuhan ng bagyong Kristine, ayon sa Office of Civil Defense (OCD), base sa datos mula sa Mines and Geosciences Bureau.
Ito ay sa gitna ng inaasahang pag-landfall ng bagyong Kristine sa silangang baybayin ng Cagayan sa araw ng Huwebes at maaaring tumawid ito patungo sa hilagang Luzon.
Sa isang pahayag, sinabi ng OCD na inatasan na nito ang mga regional office na simulan ang paghahanda para sa posibleng epekto ng bagyo, dahil ang mga rain band ng potensyal na tropical cyclone ay maaaring magdala ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa may Bicol region, sa mga lalawigan ng Samar, at iba pang mga lugar simula ngayong araw ng Martes.
Base din sa pagtaya mula sa Department of Social Welfare and Development, nasa mahigit isang milyong indibidwal ang maaaring maapektuhan ng naturang bagyo.
Kaugnay nito, hinikayat ni OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno ang mga komunidad na vulnerable sa mga baha at landslide na sundin ang panawagan at gawin ang mga kinakailangang paghahanda sa epekto ng bagyo.