-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Kasabay ng isinagawang Suicide Prevention Forum na isinagawa sa Dalapitan National High School, mahigit 5,000 na mga vouchers para sa libreng konsultasyon ng kalusugang pangkaisipan ang ipapamahagi sa mga Cotabateño ng Konsulta MD bilang tugon sa panawagan ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza na bigyan ng mas maagap na atensyon ang kasalukuyang mental health state ng mga kabataan.

Ang Konsulta MD ay isang Tele-Health company na tumutulong upang mas mapagaan at mapabilis ang paraan ng pagkokonsulta sa doctor gamit ang isang teknolohiya.

Sa isinagawang orientasyon kahapon sa mahigit 100 na mga Senior High School students mula sa nasabing paaralan pormal na ibinahagi ni Mr. Christopher Maitem, Sales Manager ng Konsulta MD ang benepisyo at mga kayang gawin ng isang mobile application sa pagbibigay serbisyo sa kalusugan ng tao kahit hindi personal na nakakausap ang isang doctor.

Nagpasalamat naman ang pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Mendoza sa handog ng kompanya kung saan malaking tulong sa mga kabataan na nakakaranas ng depression at iba pang mga mental health problem.

Ang Konsulta MD Application ay maaaring i download sa inyong mga cellular phone, mag register at makipag ugnayan sa opisina ni Governor Mendoza upang makakuha ng voucher bago magpakonsulta.