Nasa listahan umano ng iniimbestigahan ng International Criminal Court ang mahigit 50 aktibo at dating pulis na nagsilbi sa dating administrasyong Duterte para sa kanilang naging papel sa madugong war on drugs.
Ito ay base sa update na ibinigay ni dating Senator Antonio Trillanes IV kaugnay sa imbestigasyon ng ICC na nakatuon kay dating Pang. Rodrigo Duterte na inaakusahan ng crimes against humanity sa kampaniya nito kontra sa iligal na droga na nag-iwan ng libu-libong indibidwal na nasawi.
Nitong Miyerkules, una ng sinabi ng dating Senador na kinausap na ng mga imbestigador ng ICC ang mahigit na 50 dati at aktibong opisyal ng PNP para bigyan sila ng pagkakataong linisin ang kanilang pangalan bilang parte ng due process.
Nangyari ayon kay Trillanes ang direktang komunikasyon sa pagitan ng ICC at mga opisyal ng PNP sa mga nakalipas na linggo.
Sinabi din nito na kapag hindi agad na nakipag-ugnayan at ipinaliwanag ang kanilang panig, ituturing ang mga ito bilang suspek at ang mga ebidensiya laban sa kanila ay ihohold at hindi tututulan.
Magiging subject din sa travel restrictions at maaaring kalaunan ay arestuhin ng International Criminal Police Organization (Interpol) kung saan ang PH ay miyembro nito.