Bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng international travelers sa Undas, magdedeploy ang Bureau of Immigration ng kabuuang 58 bagong immigration officers.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, fresh graduates ang mga ito mula sa kanilang akademiya noong Oktubre 29 ng kasalukuyang taon.
Ang karagdagang pwersa ay sa gitna ng inaasahang mas mataas na bilang ng international traveler ngayong taon kumpara noong 2023 kung saan tinatayang papalo sa pagitan ng 43,000 hanggang 48,000 kada araw na bibiyahe palabas ng bansa mula ngayong araw, Oktubre 31 habang tinatayang nasa 41,000 hanggang 47,000 ang inaasahang biyahero mula sa ibang bansa na darating sa bansa kada araw.
Maliban dito, sinabi ng BI chief na masinsinan ding nakasubaybay ang kanilang Immigration team sa sitwasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nagsisilbing pangunahing international gateway para sa mga biyaherong patungo sa Pilipinas.
Magdedeploy din ang BI ng personnel mula sa main office nito para umalalay sa airport operations.
Ia-activate din ng ahensiya ang rapid response units para matugunan ang anumang biglaang pagbuhos ng mga pasahero partikular na sa peak hours.