-- Advertisements --
BuCor1

Nanumpa na ngayong araw ang nasa 533 bagong officers ng Bureau of Corrections sa New Bilibid Prison sa bahagi ng Muntinlupa.

Ito na ang ikalawang batch ng mga bagong correction officers na na-hire sa taong ito sa ilalim ng panunungkulan ni Bucor acting director general Gregorio Catapang Jr.

Ang naturang oath taking ay pinangunahin din mismo ni Catapang kung saan tinawag niya pa ang mga ito na “bagong dugo ng Bureau of Corrections” kasabay ng pagbibiro na gusto umano niyang turukan ang mga ito ng “anti-corruption vaccine” upang hindi masundan pa ang iba’t-ibang mga insidenteng nangyari noon sa loob ng nasabi bureau na kinasangkutan pa ng ilang opisyal nito na dawit sa mga tiwali at illegal na gawain.

Dito ay mahigpit ang kaniyang naging paalala sa mga bagong tauhan ng ahensya na wag maging corrupt at wag na kumurap sa pagbabantay sa mga bilanggo at gayundin sa anumang uri ng tukso upang hindi mawala ang mga ito sa tamang landas.

Kabilang sa 533 newly hired BuCor correction officers ang nasa 329 na kababaihan at 204 na kalalakihan. Malaking bilang dito ay pawang mga criminologist at licensed teachers, habang nasa 289 katao naman ang nakatakdang ma-assign sa New Bilibid Prison.