-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Public Works and Highways (DPWH) naka linya na sa kanilang programa ang gagawing rehabilitasyon sa higit 500 na mga  pampublikong gusali gamit ang pondo mula sa lokal na pamahalaan at Official Development Assistance (ODA).

Ayon kay DPWH Usec. Maria Catalina Cabral, natapos na nila ang assessment at retrofitting sa mahigit 124 pampublikong gusali sa Metro Manila. 

Dagdag pa ni Cabral na may partnership rin ang DPWH sa World Bank para sa pagpapalakas ng istruktura ng karagdagang 425 buildings upang matiyak na naaayon ang mga ito sa international earthquake standards.  

Sinabi ni Cabral, sa usapin ng kahandaan ng kagamitan, mayroong mahigit 2,000 heavy equipment ang DPWH na nakatalaga sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, kabilang ang 500 Quick Response Assets sa Metro Manila para sa agarang pagtugon sakaling magkaroon ng kalamidad.  

Nagbibigay din anya ang ahensya ng technical support sa iba pang mga ahensya ng gobyerno, tulad ng Department of Transportation hinggil sa pagsusuri ng structural integrity ng mga railway system, kabilang ang MRT at LRT.  

Nanawagan ang DPWH sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor na paghandaan ang posibleng sakuna upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at matibay na imprastruktura sa bansa.

Sa ngayon, patuloy na pinapalakas ng Department of Public Works and Highways ang kanilang earthquake preparedness upang matiyak ang kaligtasan ng mga pampublikong imprastraktura sa bansa.