CAUAYAN CITY – Masayang tinanggap ng daan-daang residente na naapektuhan ng pagbaha sa lungsod ng Ilagan ang ayuda na mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Tumanggap ng cash assistance na P3,000 ang mga residente na labis na naapektuhan ng pagbaha.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa 82-anyos na lola na si Ginang Rosalinda Cabasi, labis ang kanyang pasasalamat dahil malaking bagay ang ipinagkaloob na ayuda ng pamahalaan para sa tulad niyang naapektuhan ng baha.
Aniya, mahirap ang kanilang naging kalagayan noong kasagsagan ng baha kaya nagpapasalamat siya dahil walang nasaktan sa kanyang pamilya.
Ilalaan niya ang P3,000 na kanyang natanggap sa pagbili ng kanyang gatas upang mas lalo pang lumakas ang kanyang pangangatawan at humaba pa ang kanyang buhay.
Sinabi ni CSWD Officer Evalyn Bacungan ng Ilagan na 229 na residente ng barangay Marana 2nd ang tumanggap ng financial assistance habang nasa 288 naman sa barangay Allinguigan 3rd.