CAUAYAN CITY – Natanggap na ng ilang City Scholars ang kanilang book allowance mula sa pamahalaang lunsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jay Patrice Bartolome, ang City Scholarship Coordinator ng LGU Cauayan City, sinabi niya na nasa mahigit limandaan ang mga first year na scholars ng mga Colleges at State Universities.
Mahigit pitong daan naman ang bilang ng mga second year scholars, 249 ang mga third year at nasa dalawandaan ang mga fourth year students.
Ayon kay Ginoong Bartolome, aabot sa dalawang libo ang bilang ng mga City Scholars ngayong semestre kabilang na rito ang mga estudyanteng nasa pribadong paaralan.
Aniya marami silang kinuhang scholars ngayong pandemya upang matulungan ang mga magulang sa pagpapaaral sa kanilang mga anak.
Kailangang mapanatili ng isang estudyante ang kanyang magandang grado upang patuloy na maging scholar.
Ayon kay Ginoong Bartolome may dalawang klase ng scholar ang pamahalaang lunsod.
Ang una ay ang Full Scholarship at ang pangalawa ay ang Academic Scholarship.
Kailangang hindi bababa ang maintaining grades ng isang full scholar sa 85 habang ang mga academic scholars ay kailangang hindi bababa sa 80 ang kanilang maintaining grade upang manatiling city scholar.
Ang mga full scholar namang nag aaral sa pribadong paaralan ay babayaran ng pamahalaan ang kanilang tuition at miscellaneous fee habang sa mga academic scholar ay tanging ang tuition fee lamang ang babayaran.
Mayroong limang libong pisong allowance ang mga full scholars na nag aaral sa state colleges habang tatlong libong piso naman ang mga academic scholars.
Ang mga academic scholar na tumaas ang grado ay maaaring mag upgrade sa Full Scholarship at maaari namang magdowngrade sa Academic scholarship ang mga full scholars na bumaba ang grado.
Ngayong nakasailalim ang lunsod sa Alert Level 3 ay tanging mga mag aaral na 2nd year hanggang 4th year ang nakatanggap ng book allowance dahil masyado umanong marami ang bilang at nagtakda na lamang sila ng ibang araw para sa mga hindi pa nakakuha.
Pinaalalahanan naman ni Ginoong Bartolome ang mga scholars na pagbutihin ang kanilang pag aaral upang magpatuloy ang kanilang scholarship.
Inanyayahan din niya ang mga incoming 1st year students na bumisita lamang sa City Information Office upang malaman ang mga dapat nilang gawin at mapabilang sa mga City Scholars.
Samantala natutuwa naman ang mga mag aaral na nakatanggap ng book allowance dahil malaking tulong ito sa kanilang pag aaral.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Andrei Nicole Giray, isang 4th Year Education Student at full scholar, sinabi niya na malaking tulong ang kanilang nataggap na allowance lalo na sa kanya na isang student mom.
Aniya ang natanggap niyang allowance ay gagamitin niya sa kanyang OJT at pandagdag sa kanilang pangangailangan.Top