Umaabot na sa 555 overseas Filipino workers ang kabuuang bilang ng na-repatriate na sa gitna ng nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Israel at Hamas.
Ayon kay Migrant Workers officer-in-charge Hans Leo Cacdac, ang napauwing mga Pilipino ay mula sa Israel at Lebanon.
Inaasahan din ang karagdagan pang ika-15 batch ng mga Pilipino na naiipit sa giyera sa Irael na ma-repatriate sa bansa na kinabibilangan ng 83 mga indibidwal.
Saad pa ng opisyal na ang mga Pilipinong na-repatriate mula Israel ay pinagkalooban ng P100,000 na tulong pinansiyal para matulungan ang mga ito na makarekober at makapagsimula ng maliit na negosyo.
Nagbibigay din ang TESDA ng training commitment at training vouchers sa anumang accredited institution at anumang TESDA course.
Mayroon ding assistance na ibibigay ang DOLE at DMW para matulungang makahanap ng trabaho ang mga OFW returnees mula Israel.