KORONADAL CITY – Mahigit 500 pamilya ang naitalang lumikas matapos ang sagupaan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao.
Ito ang inihayag ni Major Arvin Encinas, ang tagapagsalita ng Western Mindanao Command (Wesmincom) sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Encinas, kasalukuyang nananatili ngayon sa mga evacuation centers ang mga apektadong pamilya na naipit mula nang sumiklab ang engkwentro sa pagitan ng dalawang grupo sa bahagi ng Sitio Tinolusan, Barangay Dasawao, Shariff Saydona Mustapha sa naturang lalawigan.
Kaugnay nito, tiniyak ni Encinas ang koordinasyon ng AFP sa mga lokal na opisyal ng Shariff Saydona, Mustapha upang matulungan ang mga residente.
Liban dito, nag-deploy na rin ng dagdag na sundalo sa lugar.
Una rito, umabot sa pito ang naitalang nasawi sa panig ng MILF Task Force Itihad habang apat naman sa BIFF sa naturang engkwentro.