Iniulat ng regional offices ng Department of Tourism na nasa 529 ang stranded na turista sa iba’t ibang mga rehiyon sa bansa sa kasagsagan ng hagupit ng bagyong Kristine.
Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na aktibo na nilang tinutulungan ang mga ito. Sa Batanes, nasa 179 turista ang na-stranded, sa Mauban Quezon at Lobo Batangas naman ay nasa 16 na turista, sa MIMAROPA nasa 33 turista, sa Boracay mayroong 12 turista ang stranded, sa Maasin Leyte nasa 25 turista habang sa Surigao del Norte naman ay nasa 264 na turista.
Biniberipika na rin ng ahensiya ang mga ulat na ilang turista din ang stranded sa Northern Luzon at Bicol region na kasalukuyang lubog pa rin sa baha.
Maliban dito, napinsala din ang nasa 14 na tourist sites sa Sorsogon, Masbate, Batangas at Dinagat Islands.
Samantala, humahanap na rin ng paraan ang ahensiya para matulungan hindi lamang ang mga apektadong turista kundi maging ang mga manggagawa sa sektor ng turismo at mga establishimento na naapektuhan ng kalamidad.
Kaugnay nito, sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco na inihahanda na ng ahensiya ang tulong para sa displaced tourism workers na naapektuhan ng bagyo gayundin nakahanda aniya ang DOT na i-mobilize ang resources para matulungan ang mga frontliner at establishimento na makarekober at muling makabangon mula sa pinsalang iniwan ng bagyo.