-- Advertisements --

Nagpapatuloy ang hakbang ng Philippine Red Cross (PRC) kaugnay ng Holy Week Operations 2025 na nagsimula noong Abril 12, 2025 sa buong bansa.

Nakatulong sila sa kabuuang 5,065 pasyente, kung saan 4,676 ang sumailalim sa vital signs monitoring, 366 ang may minor cases, 10 ang major cases, at 13 ang inilipat sa ospital.

Ang mga minor cases ay kinabibilangan ng sugat, pananakit ng tiyan, pagkahilo, lagnat, at iba pa.

Sa major cases naman, kabilang ang hika, pananakit ng dibdib, at shortness of breath.

Nagbigay din ng welfare assistance tulad ng psychological support, referral, free calls, tracing, at pagkain ang PRC.

Upang matugunan ang mga pangangailangan, nag-deploy sila ng 178 ambulansya, 21 service vehicle, 3 rescue boat, 375 first aid stations, at 137 welfare desk, kasama ang 1,840 volunteers at 313 staff.

Mayroong 24 PRC chapters at mga istasyon sa 100 simbahan, 40 highways, 25 beaches, 22 bus terminals, at iba pang lugar.

Ang operasyon ng PRC ngayong Semana Santa ay nagpakita ng kahandaan at dedikasyon sa pagbibigay ng tulong sa publiko.