Maaaring umabot sa mahigit kalahating milyon ang bilang ng mga kandidatong maghahain ng kanilang kandidatura para sa May 2025 Midterm Elections.
Ayon kay COMELEC chairman George Garcia, pinaghahandaan na ng komisyon ang nakatakdang paghahain ng Certificate of Candidacy kung saan hindi lamang mahigit kalahating milyon ang posibleng bibisita sa mga opisina ng komisyon kundi maging ang mga suporter ng mga kandidato.
Sa 2025 elections, aabot sa kabuuang 18,279 positions ang pupunan: 12 dito ay para sa mga Senador, 254 district representatives, at 63 partylist representative.
Mayroon ding 82 probinsya ang mangangailangan ng Gobernador at Bise Gobernador, at 800 para sa mga provincial board member.
Sa City level, 149 siyudad ang mangangailangan ng mga alkalde at bise-alkalde habang 1,682 city council position din ang pupunan.
Para sa Municipal level, aabot sa 1,493 bayan ang mangangailangan ng alkalde at bise alkalde at kabuuang 11,948 municipal councilor.
Samantala, sasabay rin sa 2025 Midterm Elections ang pinakaunang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Dito ay pipili ang mga residente ng 32 kandidato para sa parliament at 40 ang pipiliin bilang kinatawan ng mga local partylist.
Magsisimula ang filing ng COC mula Oktubre-1 hanggang Oktubre-8.