Umaabot sa kabuuang 51,659 katao o 16,336 pamilya ang apektado na ng bagyong Aghon ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).
Sa panibagong report, sinabi ng ahensiya na karamihan ng apektadong populasyon ay naitala sa Calabarzon na nasa 25,980 at sa Bicol na nasa 10,476.
Sa mga apektadong indibidwal, nanunuluyan pansamantala ang nasa 14,816 katao o 3,878 pamilya habang 6,409 pamilya o 1,585 indibidwal ang lumikas sa ibang lugar.
Sa kasamaang palad, 7 katao na ang napaulat na nasawi dahil sa bagyong Aghon.
Kabilang sa nasawi ang 2 kalalakihan na nasa edad 56 at 22 na kapwa nalunod at isang 39 anyos na lalaki na nabagsakan ng puno. Ang 6 mula sa 7 nasawi ay mula sa Quezon province na isa sa matinding sinalanta ng bagyo.
Samantala, mayroong 22 kabahayan naman sa Eastern Visayas ang napinsala.
Bumalik naman na ang suplay ng kuryente sa 80 mula sa 109 na siyudad at bayan na naapektuhan ng pagkawala ng suplay ng kuryente.Naibalik na rin ang suplay ng tubig at linya ng komunikasyon sa ilang mga sinalantang lugar.
Sinuspendi naman ang klase sa 117 lugar at trabaho sa 72 lugar dahil sa bagyong Aghon.
Nakapagpamahagi naman na ng pamahalaan ng mahigit P4 million sa mga biktima ng bagyo sa CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, and Central Visayas.