Iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga pamilyang naaapektuhan sa malalakas na pag-ulan sa Mindanao.
Batay sa huling ulat ng ahensyia, umabot na sa 54,000 na pamilya ang naapektuhan.
Ito ay katumbas ng mahigit 265,000 na indibidwal.
Marami sa mga ito ay naitala sa Region 9, BARMM, at Region 12.
Mula sa mahigit 50,000 na pamilyang apektado, 5,027 sa kanila ang kinailangang ilikas sa mga evacuation center.
Ito ay katumbas ng 20,359 na indibidwal.
Maliban dito, mahigit 6,000 na pamilya rin ang naitalang nakitira na lamang sa kanilang mga kaanak.
Pagtitiyak ng ahensiya, tuloy-tuloy ang pamamahagi nito ng tulong sa mga naapektuhang indibidwal at pamilya.
Sa katunayan, umabot na umano sa P4.6 million ang naibigay na tulong sa mga biktima ng malawakang pagbaha.
Siniguro rin ng ahensiya ang sapat na pondong nakalaan para sa pagbibigay-tulong sa mga biktima kung saan sa kasalukuyan ay may kabuuang P2.7 billion na halaga ang nakahandang gamitin para sa relief operations sa mga nararanasang kalamidad sa bansa.