Dumami pa ang bilang ng mga stranded sa mga pantalan sa iba’t ibang parte ng bansa nitong umaga ng Miyerkules dahil sa masungit na panahon dulot ng bagyong Kristine.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nasa mahigit 5,000 pasahero mula sa 96 na pantalan ang stranded sa Southern Tagalog, Bicol, Eastern Visayas, Central Visayas, Western Visayas at North Eastern Mindanao mula alas-12 ng madaling araw hanggang alas-4 ng umaga.
Sa naturang bilang, nasa 738 indibidwal ang stranded sa Southern Tagalog, 2,652 sa Bicol, 971 sa Eastern Visayas, 227 sa Central Visayas, 51 sa Western Visayas at 445 sa North Eastern Mindanao.
Apektado din ang 1,144 rolling cargoes, 68 barko at 13 motor bancas habang 272 vessels at 210 motor bancas ang nakikisilong pansamantala.