Bigo ang mahigit 5,000 dayuhan na dating mga empleyado ng POGO na makapag-downgrade ng kanilang visa matapos magpaso na ang ibinigay na palugit noong Oktubre 15.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, hindi na papayagan pang makapag-trabaho ang naturang mga POGO worker.
Sa ilalim kasi ng visa downgrading, papayagan ang mga dayuhan na ibalik ang status ng kanilang visa mula sa work visa sa temporary visitor visa kung saan papahintulutan pa rin silang makapag-trabaho ng legal sa Pilipinas sa loob ng 59 na araw.
Inihayag pa ng kalihim na marami umanong dayuhang POGO workers na karamihan ay Chinese national ay ayaw bumalik sa kanilang bansa.
Nagbabala naman si Sec. Remulla na ituturing ang POGO workers na hindi nakapag-downgrade ng visa bilang illegal aliens pagkatapos ng Disyembre 31.
Samantala, ayon sa Bureau of Immigration, nasa mahigit 12,000 dayuhang POGO workers ang nakapag-apply ng kanilang working visa.