-- Advertisements --

Umabot na sa kabuuang 6,327 checkpoint ang inilatag ng pulisya sa buong Pilipinas mula nang sinimulan ang implementasyon ng gun ban noong Enero 12, 2025.

Ang mga ito ay inilatag sa iba’t-ibang strategic area sa mga kakalsadahan sa buong bansa.

Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, ang mga ito ay minamanduhan ng sapat na bilang ng mga miyembro ng pulisya, kasama ang iba’t-ibang mga asset tulad ng patrol car, motorcycle, at iba pa.

Samantala, umabot na rin sa 34 na election hotspot ang natukoy sa buong bansa kung saan 27 rito ay pawang mula sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).

Ang iba ay mula sa dalawang lugar sa Eastern Visayas at apat na lugar sa Luzon.

Ayon kay Remulla, magdedeploy ang PNP ng dagdag na police force sa mga naturang lugar upang mabantayan ang pag-usad ng halalan sa mga ito.

Ayon kay Remulla, may sapat na police force na magbabantay sa kabuuan ng halalan at titiyak na magiging maayos ang pag-usad nito sa kabuuan.