Nakapagtala ang Department of Health ng 67 kaso ng heat-related illnesses sa mga school-aged individuals na 12 hanggang 21 anyos.
Base sa data mula sa event-based surveillance and response unit (ESR), iniulat ni Dr. Vito Roque ng Epidemiology Bureau na naitala ang nasabing mga kaso mula Enero 1 hanggang Abril 29.
Ang isang kaso ay naitala sa Ilocos region habang ang nalalabi namang kaso ay sa central visayas.
Sa kabutihang palad naman walang napaulat na nasawi.
Ayon sa DOH official, ang isang kaso sa Ilocos region ay isang 14 anyos na estudyante na nakaranas ng hirap sa paghinga dahil sa heat exhaustion.
Samantala, iniulat din ni Roque sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education sa epekto ng matinding init ng panahon sa mga klase, na mayroong 27 estudyante na nasa 13 hanggang 20 anyos na nagperform sa isang street dance competition ang nakaranas ng epigastric pain, hyperventilation at palpitations doon sa central visayas.
Habang nasa 39 nasa edad 12 hanggang 21 anyos na kalahok sa isang street dance parade sa Central Visayas ang nakaranas ng pagkahilo, nawalan ng malay, pagkahapo, pagsusuka at hyperventilation.
Bunsod nito, pinayuhan ng opisyal ang mga eskwelahan na huwag na munang magsagawa ng outdoor activities.
Paulit na paalala pa ng DOH sa publiko ngayong mainit ang panahon na uminom ng maraming tubig at limitahan ang paglabas sa pagitan ng 10am hanggang 4pm para maproteksyunan ang sarili mula sa direktang sikat ng araw.