Hindi rin nakaligtas sa panganib na dala ng COVID-19 ang ilan sa mga empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa programang Kapihan sa Manila Bay forum ay sinabi ni MMDA General Manager Romando Artes na mahigit 60 sa mga empleyado ng MMDA ang napag-alaman na nagpositibo sa nasabing virus.
Ito ay matapos isailalim ng kagawaran sa swab testing ang nasa 100 na mga MMDA personnel kahapon na kapwa may mga sintomas ng COVID-19.
Karamihan naman aniya sa mga nagpositibong ito ay nakakaranas lamang ng mild at asymptomatic dahil halos lahat naman aniya ay pawang mga bakunado na laban sa nasabing virus.
Aniya, sa 8,000 kabuuang bilang ng mga empleyado ng MMDA ay halos nasa 99.9% na ng mga ito ang nabakunahan na laban sa COVID-19.
Batay aniya sa kanilang pinakahuling bilang ay nasa 54 na lamang ang hindi pa nababakunahan laban virus.
Ilan sa mga ito ay may comorbidities habang ang ilan naman ay may religious grounds dahilan kung bakit hindi pa nakakapagpabakuna ang mga ito.
Samantala, ibinida rin ni General Manager Artes na nasa 680 na sa kanilang mga personnel ang nakatanggap na ng booster shots at kasalukuyan pa rin na nagpapatuloy ang kanilang isinasagawang bakunahan nito para sa kanilang mga manggagawa bilang dagdag na proteksyon laban sa COVID-19.