Nakatakdang makauwi dito sa Pilipinas ang karagdagang overseas Filipino workers mula sa Israel ngayong linggo para matakasan ang nagpapatuloy na tensiyon sa naturang estado.
Ayon sa Department of Migrant Workers, nasa 61 OFWs ang bagong batch na darating mula Israel sa araw ng Huwebes Mayo 9.
Ito na ang pinakamalaking bilang ng OFWs na nag-avail ng voluntary repatriation program ng pamahalaan simula ng sumiklab ang giyera sa pagitan ng Israel at militanteng Hamas noong Oktubre ng nakalipas na taon.
Papangunahan naman ni Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac ang pagsalubong sa mga uuwing OFWs sa Ninoy Aquino International Airport.
Matatandaan na simula pa noong nakalipas na taon, daan-daan ng mga OFWs ang nagpasyang umuwi ng Pilipinas mula sa Israel simula ng pagsalakay ng Hamas.
Patuloy naman ang pag-agapay ng pamahalaan sa mga apektadong OFWs sa pamamagitan ng repatriation at iba pang tulong para sa mga ito.