-- Advertisements --

Pumalo na sa kabuuang 685,071 indibidwal ang na-displace dahil sa pananalasa dulot ng magkakasunod na bagyong tumama sa bansa.

Sa situational report mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaninang umaga, kabuuang 446,177 ang nananatili sa evacuation centers at 238,894 ang pansamantalang nanunuluyan sa ibang mga lugar.

Naapektuhan naman ng mga nagdaang bagyo ang nasa mahigit 1.145 milyong indibidwal o katumbas ng halos 300,000 pamilya sa Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon, MIMAROPA, Bicol region at CAR.

Sa kasalukuyan, nag-iwan ng P469.8 milyong halaga ng pinsala sa sektor ng imprastruktura ang mga tumamang bagyo at P8.6 million ng halaga ng pinsalang natamo ng sektor ng agrikultura.

Nakapagtala din ang ahensiya ng mahigit 7,000 kabahayan na bahagyang nasira at 437 na iba pa ang nawasak.

Sa datos nitong umaga, may 34 na kalsada rin at 24 na tulay ang hindi madaanan habang nagpapatuloy pa ang mga isinasagawang clearing operations.

Samantala, may isang indibidwal na ang napaulat na nasawi sa Daet, Camarines Norte dahil sa epekto ng bagyong Pepito base sa datos mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) nitong Linggo, Nobiyembre 17.