Sinabi ng Land Transportation Office (LTO) na mahigit 6,000 motor vehicles ang nahuli sa buong bansa sa loob ng 15 araw nitong Hunyo kasunod ng patuloy na “agresibo” na pagpapatupad ng “No Registration, No Travel” policy.
Inihayag ni LTO chief Vigor Mendoza II sa isang pahayag na ang tuluy-tuloy na operasyon ay dapat magsilbing paalala sa mga pabayang motor vehicle owners sa kanilang obligasyon na i-renew ang pagpaparehistro ng kanilang mga sasakyan.
Ayon sa LTO, may kabuuang 6,064 na motor vehicles ang nahuli mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 15. Sa naturang bilang, 5,127 ang mga motorsiklo habang ang iba ay mga four-wheel vehicles.
Samantala, may kabuuan namang 5,470 ang nabigyan ng violation ticket habang 981 ang na-impound. Para sa mga four-wheel vehicles, 34 ang pampasaherong jeepney habang pito ang pampasaherong bus.
Ang pinaigting na kampanya ng LTO laban sa mga hindi rehistradong sasakyan ay bahagi ng road safety instruction ng Department of Transportation.