-- Advertisements --

Handa na ang nasa mahigit 6,000 mga paaralan sa buong Pilipinas para sa implementasyon ng expanded phase ng limitadong face-to-face classes sa bansa ayon sa Department of Education (DepEd).

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, naaprubahan na ang polisiya na nagpapatupad expansion phase ng muling pagbubukas ng limited in-person classes.

Kaugnay nito ay mayroon na rin aniyang listahan ang DepEd ng mga paaralan na handa na para sa nasabing balik-eskwela.

Ibinahagi naman ni Assistance Secretary Malcolm Garma sa kanyang presentation na nasa 6,347 na mga paaralan na ang nakapasa na sa assessment ng ahensya at kapwa mga handa na para sa expansion phase ng limited face-to-face classes batay naman sa Alert Level Classification.

Aniya, 304 sa mga paaralang ito ay handa nang magsimula na magpatupad ng naturang in-person classes dahil ang mga paaralang ito aniya ay nasa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2.

Kabilang sa mga ito ay ang 123 na mga paaralan mula sa National Capital Region (NCR), 12 na mga paaralan mula sa Region 2, 106 na mga eskwelahan mula sa Region 3, at 54 mga paaralan mula naman sa Region IV-A.

Samantala, nilinaw din ni Garma na ang natitirang 6,043 mga eskwelahan na sumailalim na rin aniya sa assessment ay hindi pa mapapayagang magpatupad ng expanded face-to-face classes dahil ang mga ito ay nasa lugar pa na nasa ilalim ng Alert Level 3.

Sa kabilang banda naman ay sinabi rin niya na pahihintulutan na rin ang mga Regional Director (RD) pagdating sa mga pagdedesisyon sa mga patakaran hinggil dito.

Hindi na aniya kinakailangan pa ng mga ito ng “go signal” mula sa Central Office hangga’t ang mga paaralan ay qualified sa ilalim ng School Safety Assessment Tool.