BOMBO DAGUPAN – Nakumpiska ang tinatayang nasa 7, 500 na kahon ng ibat ibang sigarilyo sa isinagawang checkpoint sa bayan ng San Quintin dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon kay PCapt. Benedict Espinoza, ang Officer In Charge ng San Quintin Police Station, sa pamamagitan ng mas pinaigting na pagsisikap ng Pangasinan Police Provincial Office na operasyon sa checkpoint ay nahuli ang mga tatlong kalalakihan na nakilalang sina Edmark Feliciano Fernando, 31 anyos, may live-in partner, Louieghie Camungao, 22 anyos, binata at Severino Vicente Galang, 23 anyos, binata at pawang residente ng Brgy. Lomboy, Talavera, Nueva Ecija
Aniya, sa kasagsagan ng kanilang isinasagawang checkpoint sa naturang lugar, ang itim na kotse na may sakay na tatlong indibidwal kasama ang drayber ay nakitaan ng kahina-hinalang kilos at hindi makapagsalita ng maayos. Nang tanungin ng kapulisan ang driver na ipakita ang kaniyang lisensya, ay wala rin itong maipakita bagkus ay inalok pa niya ang mga ito na passport na lamang.
Kung kaya’t doon na sila nakutoban hanggang sa natuklasan sa loob ng sasakyan ang ibat ibang klase ng sigarilyo na walang stamp tax na may halagang tinatayang Php 180,000.00.
Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Sec 155 ng RA 8293 o Selling and Transporting of Suspected fake/counterfeit cigarettes.