Pinangunahan ng Department of Health (DOH), sa pamamagitan ng Health Human Resource Development Bureau – Career Development and Management Division (HHRDB – CDMD) ang sabay-sabay na pre-deployment orientations para sa Doctors to the Barrios (DTTB) at Espesyalista Para sa Bayan (EPSB).
Isinagawa ito bago pa man ipadala ang mga manggagamot sa kanilang mga destinasyon.
Ang isang linggong aktibidad ay nagsilbing gabay para sa pitumpu’t pitong (77) Doctors to the Barrios ng Batch 41-B at ang dalawampu’t walong (28) medical specialist.
Pangunahing paksa sa orientation ay ang safety and security process, pati na ang kahandaan sa mga suliranin sa mga barrio.
Kabilang sa magiging destinasyon ng mga doktor ay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang mga programang ito, kasama ang iba pa sa ilalim ng National Health Workforce Support System (NHWSS), ay nagsisilbing dagdag sa human resources ng bansa para sa kalusugan (HRH).
Ito ay naaayon sa ika-7 action agenda ng departamento na naglalayong pataasin ang pagkakaroon ng mga manggagawang pangkalusugan sa mga pasilidad ng kalusugan, institusyon, at komunidad.
Sa loob ng mahigit sa 30 taon, ang Programa ng Doctors to the Barrios ay nagpapakalat ng mga Rural Health Physicians (RHPs) sa ilang Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs).
Ito ay kasalukuyang nagsisilbing bahagi ng return service ng mga medicine scholars ng Pre-Service Scholarship Program (PSSP) ng DOH.