Iniulat ng Department of Health (DOH) ang pagtaas ng bilang ng mga Kanlaon evacuees na nakakaranas ng mga respiratory infection mula nang ipag-utos ng pamahalaan ang malawakang evacuation.
Ayon sa DOH – Negros Island Region, umabot na sa 74 na evacuees ang nagkaroon ng iba’t-ibang respiratory infection mula noong isinagawa ang forced evacuation.
Kabuuang 71 katao rin ang nagkaroon ng iba pang sakit.
Ayon sa DOH, mayroong kabuuang 77 medical personnel na naka-deploy sa 32 evacuation center sa mga lugar na apektado.
Nadiskubre ng mga medical personnel ang mataas na bilang ng mga nagkasakit kasabay na rin ng regular na check-up at malawakang health surveillance.
Pangunahing binantayan ng mga ito ang mga evacuation center sa La Castellana, Bago City, La Carlota City, at San Carlos City sa Negros Occidental at Canlaon sa Negros Oriental.
Tiniyak naman ng DOH ang patuloy na pagpapalabas ng mga gamot at iba pang medical supplies sa mga evacuation center upang magamit ng mga nagkakasakit na evacuees.
Ayon sa DOH, nakapag-distribute na ito ng kabuuang 135,329 assorted medicines, 87,200 N15 masks at 48,500 face masks, 17,000 aquatabs, 349 nebulizer kits at libo-libong surgical gloves and goggles, mula nang muling pumutok ang bulkan sa unang bahagi ng Disyembre.