Lalo pang dumami ang bilang ng mga eskwelahan na nagkansela ng klase bilang pakikibahagi sa paggunita sa ika-39 na anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution.
Ito ay sa kabila ng pagkakadeklara lamang sa naturang araw, Pebrero 25, bilang ‘special working holiday’.
Unang nagdeklara ang tatlong unibersidad nitong nakalipas na lingo ng class suspension – De La Salle University, University of Santo Tomas at University of the Philippines.
Sa ngayon, mahigit 70 unibersidad, kolehiyo, at mga high school na ang sumunod at nagdesisyon kakanselahin ang klase upang bigyang-daan ang paggunita sa mahalagang araw.
Ang mga naturang eskwelahan ay mula sa Manila, Quezon City, Mandaluyong City, Marikina City, Parañaque City, Las Piñas, at Makati City dito sa National Capital Region.
Ilang mga unibersidad, college, high school, at elementary school mula sa ibang mga probinsya at syudad sa labas ng Metro Manila ang sunod-sunod ding nagdeklara ng class suspension.
Kinabibilangan ito ng Cebu City, Baguio City, Pampanga, Batangas City, Lucena City, Lucena City, Puerto Princesa, Negros Occidental, Tacloban, Butuan City, Tarlac City, Alitagtag, Antipolo City, Tagbilaran City, Baggao, Cagayan, Davao Oriental, Pasig City, Cauayan City at Cavite.
Samantala, maliban sa class suspension sa Capas, Tarlac, sinuspinde rin ang pasok sa mga government office sa naturang lugar.