Ibinunyag ng Maritime Industry Authority (MARINA) na nakapagtala ng kabuuang 782 maritime accidents na nangyari sa bansa sa loob ng limang taon mula 2018 hanggang 2022.
Ito ang naging rebelasyon ni MARINA administrator Hernani Fabia sa naging deliberasyon ng Senate Committee on Finance sa panukalang pondo ng Department of Transportation (DOTr) at attached agencies nito para sa susunod na taon.
Hindi naman napigilan magalit ni Senator Joel Villanueva na siyang principal author at sponsor ng Republic Act No. 11058 o an “Act Strengthening Compliance with Occupational Safety and Health Standards” (OSHS).
Nagbunsod ito sa Senador para kastiguhin ang oposyal ng Marina kung ito ang pinakamaraming bilang ng maritime accidents na naitala sa rehiyon.
Tugon naman ng Administrator Fabia na wala itong hawak na datos sa ibang bansa at inihayag na ito ay nakakaalarma.
Ilan sa maritime accidents na naiulat kamakailan ay ang pagtaob ng MB King Sto. Niño 7 sa Corcuera, Romblon noong Agosto kung saan isa ang nasawi; ang pagtagilid ng MV Maria Helena sa Banton, Romblon noong July kung saan sa kabutihang palad nailigtas ang lahat ng lulan nitong pasahero.
Ang pagtaob ng MB Aya Express sa Binangonan, Rizal noong July, na ikinasawi ng 27 katao at MV Esperanza Star na nasunog sa Panglao, Bohol noong June, at ang naitalang sunog sa MV Lady Mary Joy 3 sa may Baluk-baluk, Basilan noong April na nagiwan ng 33 kataong nasawi.
Sa parte naman ni Fabia, sinabi nito na may pangangailangan na muling busisiin at amyendahan ang Presidential Decree No. 474, na nagtatag sa MARINA noong 1974.