-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit 700 na Overseas Filipino Workers o OFWs sa ikalawang rehiyon ang natulungan ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA na makauwi sa rehiyon dos.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay OIC Regional Director Luzviminda Tumaliuan ng OWWA Region 2, sinabi niya na mula June, 1, 2020 ay mayroon na silang natulungan na mahigit 700 na napauwi sa rehiyon.

Inumpisahan nila ito noong May 20, 2020 sa pamamagitan ng pagpapadala ng dalawang bus sa Maynila para magsundo ng mga OFWs na tapos na ang quarantine at lumabas na rin ang resulta ng kanilang test.

Ayon kay OIC Regional Director Tumaliuan, sa mahigit 700 na ito ay may 10 na taga-Batanes at nakauwi na sa Batanes ang 5 noong May 28, 2020 habang ang natitira pang 5 ay nasa Tuguegarao City pa rin dahil wala pa silang masakyan.

Sa Cagayan naman ay mayroong 240 habang sa Isabela ay may 308, sa Nueva Vizcaya ay 77 at sa Quirino ay may 27.

Aniya, mayroon ding 70 na mula sa karatig na rehiyon.

Ayon pa kay OIC Regional Director Tumaliuan, ang drop of points sa Cagayan ay ang Cagayan Provincial Evacuation Center habang sa Isabela ay ang Echague District Hospital.

Ang Quirino naman ay ang Cordon Isabela Checkpoint at sa Nueva Vizcaya ay ang Nueva Vizcaya Police Provincial Office.

Katuwang aniya nila rito ang OWWA Repatriation Assistant Division, DOTr, PCG. Tiniyak niya ang seguridad ng mga OFWs habang nasa biyahe dahil bawat bus ay may kasamang tauhan ng PCG.

Samantala, sinabi pa ni OIC Regional Director Tumaliuan na sa ngayon ang maitutulong pa lamang nila sa OFWs ay ang AKAP program ng DOLE.