BUTUAN CITY – Umabot sa 700 mga pamilya o 2,405 na mga indibidwal ang nasa mga evacuation centers ngayon dito sa Butuan City matapos magsilikas dahil sa mga pagbaha at pagguho sa lupa na epekto ng malakas na pag-ulan na hatid ng Low Pressure Area.
Sa panayam kay Michiko de Jesus, spokesperson ng Butuan City Government, apektado ngayon sa mga pagbaha ang Barangay Libertad, Imadejas, Pangabugan, Maon, Villa Kananga, San Vicente, at Barangay De Oro kungsaan na-abutan ng tubig-baha ang kanilang kabahayan.
May naitala ring landslide sa Barangay Bugsukan at Barangay Bonbon at nagsasagawa na ng clearing operation upang maalis ang mga puno na nabuwal sa Barangay Mahay.
Ayon kay De Jesus , umikot na rin ang mga personahe ng City Social Welfare and Development sa mga evacuation centers upang magbigay ng mga food items habang ang City Health Office ay nag-check rin sa kalusugan ng mga nagsilikas at nagbibigay ng gamot.
Samantala nanananatili pa ring suspendido ang pasok ngayong araw.