Ibinida ng Armed Forces of the Philippines na umabot na sa kabuuang 706 ang bilang ng mga rebelde ng Communist Terrorist Group ang nanutralisa na ng kasundaluhan sa unang bahagi ng taong 2024.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, ang naturang bilang ay naitala mula noong Enero 1 hanggang Abril 11 ng taong kasalukuyan.
Sa datos, kinabibilangan ito ng 614 na rebelde ng sumuko sa pamahalaan, 46 na naaresto, at 46 din ang napatay naman sa kasagsagan ng pakikipagsagupaan ng mga ito sa mga tropa ng militar.
Bukod dito ay iniulat din ng tagapagsalita na mayroon din 89 na mga miyembro ng local terrorist groups ang nutralisado rin ng militar kung saan 21 ang patay, 64 ang sumuko, at apat naman ang nadakip.
Kaugnay ng mga ito ay aabot naman sa 293 ang mga armas na nakumpiska ng mga otoridad mula sa mga military operations.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang panawagan ng mga militar sa iba pang natitirang miyembro ng mga rebelde at terorista na sumuko na at magbalik-loob nang muli sa pamahalaan.