Lagpas 7,000 na katao na may suot na Santa Clause costume ang nakilahok sa Carrera de Papá Noel o Santa Clause Race sa Madrid, Spain.
Ang Santa Clause Race ay isang charity fundraising project ng Spanish Red Cross na taon-taon ginagawa ng bansa. Mapupunta ang nalikom na pera sa pagbibigay ng training at trabaho sa mga tauhan at magiging empleyado ng Spanish Red Cross.
Nasa 4.5 na kilometro ang binaybay ng mga sumali sa event. Ilan sa mga nakiisa sa fun run ay mga pamilya, magkakaibigan, bata, matanda, at maging mga alagang hayop na naka-costume rin ng Santa Claus.
Kanya-kanyang gimik ang mga kalahok sa fun run. Mayroong nakasakay pa sa customized na Santa sleigh at ang iba naman ay naka-cosplay o maskara ng paborito nilang fictional character habang suot ng Santa costume.
Ilang mga Pilipino rin ang nakiisa sa proyekto. Hindi man nakasanayan ng isang Pinay na kalahok ang pagsali sa mga Christmas-themed fun run, dumalo pa rin siya sa Santa Clause Race dahil masaya raw siya na makatulong sa fund raising ng Spanish Red Cross.
Ngayon ang ika-11 na taon ng Carrera de Papá Noel.
Ang pagtitipon ng libo-libong mga tao sa Pasko para makiisa sa fund raising event ay nagpapakita ng tunay na diwa ng kapaskuhan sa naturang bansa.
Photo courtesy from TMZ.