May kabuuang 74,590 persons deprived of liberty (PDLs) ang pinalaya mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon sa pamamagitan ng iba’t ibang decongestion programs ng gobyerno.
Ipinaliwanag ng tagapagsalita ng BJMP na si Chief Inspector Jayrex Bustinera na ang ilang mga konsiderasyon ay dapat matugunan ng mga PDL para sila ay maging kuwalipikado para sa maagang paglaya na iniaalok ng gobyerno.
Binanggit niya na ang BJMP decongestion ay maaaring maibsan sa pamamagitan ng pag-iisyu ng court order, good conduct time allowance (GCTA), paralegal assistance program ng bureau bukod sa tulong na ibinibigay para sa regular na pagpapalaya ng mga PDL na nagsilbi sa kanilang sentensiya.
Sa 74,590 na mga pinalaya, binanggit ni Bustinera na 10,000 ang nagserve sa kanilang pagkakulong; 6,000 ang inilipat sa Bureau of Corrections (BuCor) habang ang iba ay nabigyan ng paralegal assistance.
Sa kabila ng limitadong mga abogado ng gobyerno, natulungan ng mga paralegal officer ng BJMP ang mga PDL na maunawaan ang kanilang mga kaso, tulungan silang dumalo sa mga pagdinig sa korte, makipag-usap sa kanilang mga abogado sa labas ng pasilidad ng kulungan at mapadali ang pagdinig sa korte ng kanilang mga kaso para sa kanilang posibleng maagang paglaya mula sa pagkakakulong.
Idinagdag niya na ang mga paralegal officers ay gumanap din ng mahahalagang tungkulin sa pagpapaalam sa mga PDL na maunawaan ang mga impormasyon at prosesong kasangkot sa kani-kanilang mga kaso.
Una na rito, ang BJMP, Department of Justice (DOJ), Supreme Court (SC) at DILG ay magkakaroon ng isang “Decongestion Summit” na nakatakda mula Disyembre 6 hanggang 7 ngayong taon.