-- Advertisements --

Ipinapasara ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang libo-libong mga iligal na online gaming website sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay PAGCOR Chairman Alejandro Tengco Jr, naglipana ang operasyon ng mga online gambling sites sa bansa, kung saan marami sa mga ito ay ilegal ang operasyon.

Sa opisyal na report ng PAGCOR, mayroon nang 7,747 illegal operators ng mga online games nauna na ring naireport sa mga otoridad.

Ang mga ito ay makikita aniya sa iba’t-ibang platform katulad ng Facebook ads, mobile applications, offshore sites, atbpa.

Mula sa halos 8,000 illegal sites na ito, nagawa na umano ng PAGCOR na ipa-block ang hanggang 5,793 sites katumbas ng 74.78%. Ang nalalabing 1,954 ay nananatili namang aktibo, at tuloy-tuloy na binabantayan.

Giit ni Tengco, kailangan ng pagtutulungan ng PAGCOR at mga mobile payment app sa bansa upang mabantayan ang mga naturang pasugalan. Kasama sa ginawa ng ahensiya ay ang pakikipag-ugnayan sa mga social media companies upang tuluyang i-block o burahin ang mga mobile applications na ginagamit sa ilegal na online na pasugalan.