Apektado ang kabuuang 77,249 indibidwal o 22,645 pamilya sa pananalasa ng Super Typhoon Julian sa bansa.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes, ang mga sinalantang pamilya ay mula sa Ilocos region, Cagayan valley at Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa mga apektadong reisdente, nasa 762 indibidwal o 254 pamilya ang inilikas na patungo sa mga evacuation center habang mahigit 1,000 indibidwal o 327 pamilya naman ang nanunuluyan pansamantala sa ibang mga lugar.
Sa kasalukuyan, suspendido pa rin ang mga klase sa mahigit 200 lugar sa bansa gayundin ang pasok sa trabaho sa 108 na lugar.
Patuloy naman ang paghahatid ng mga kaukulang tulong para sa mga residenteng sinalanta ng bagyo. Ayon sa NDRRMC, nasa mahigit P900,000 halaga ng relief assistance ang naibigay na para sa mga biktima ng bagyo.