Iniulat ng Department of Health-Eastern Visayas Center for Health Development ang malaking pagtaas ng mga kaso ng dengue sa rehiyon.
Batay sa pinakahuling datos, pumapalo na sa kabuuang 7,145 na kaso ng dengue ang naitala ng ahensya sa naturang lugar mula Enero hanggang Agosto 10, 2024.
Mula sa nasabing bilang, 18 na ang naiulat na nasawi.
Ayon sa ahensya, mas mataas ito ng 187 porsiyento kumpara sa 2,487 na kaso at walong nasawi na naitala sa parehong panahon noong nakalipas na taon.
Ang lalawigan ng Leyte ang nagtala ng pinakamataas na bilang ng mga kaso na may 2,315, 32 porsyento sa kabuuan.
Karamihan sa mga apektadong indibidwal ay mga lalaki, na may edad isa hanggang 10 ang pinaka-mahina.
Bilang tugon sa lumalalang sitwasyon, hinimok ng DOH-EVCHD ang publiko na paigtingin ang kanilang pagsisikap sa pagpapatupad ng 5S Strategy upang maiwasan ang pagkalat ng dengue.
Hinikayat ang mga ospital at pasilidad ng kalusugan na tiyakin ang pagkakaroon ng mga dengue fast lane, sufficient healthcare providers, at essential dengue commodities and medicines para mapadali ang mabilis at mahusay na paghahatid ng serbisyo.