Positibo ang tugon ng mga kapulisan sa ipinatupad na PNP Localization Program.
Sa katunayan nasa 8,561 pulis ang nagsumite ng request na malipat sa ibang area of assignment.
Paliwanag ni PNP Chief Gen. Camilo Cascolan, ang localization program ay ang pag-aasign ng mga pulis sa kanilang mga hometown o kaya sa pinakamalapit na lugar dito.
Ayon kay Cascolan ang hakbang ay makapagpapataas ng morale ng mga pulis dahil malalapit sila sa kanilang mga pamilya, at mapapahusay ang kanilang trabaho dahil sa “sense of ownership” sa kanilang area of assignment.
Base sa records ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) sa bilang ng mga nag-apply para malipat, 7,410 na Police Non Commissioned Officers ang nag qualified.
Nasa 4,742 ang gustong lumipat sa NCR, 841 sa Calabarzon, 475 sa Central Luzon, 475 din sa Bangsamoro Autonomous Region at ang iba naman ay sa iba’t iba pang mga rehiyon.
Nilinaw naman ni Cascolan na 1:1 swapping ang mangyayari kung saan ang mga pulis mula sa isang lugar na ililipat ay papalitan din ng mga pulis na gustong magpa-re-assign sa lugar na iyon.
Dagdag pa nito na karamihan sa mga alkalde sa bansa ay naintindihan ang kanilang PNP localization program.
” When you say localization, this is the transfer with proper swapping of personnel. This is one way to tell our personnel that we expect the best performance from them and to them that we are taking care of them,” pahayag ni PNP Chief Cascolan.