Nawasak ng US forces partikular na ng US European Command detroyers ang mahigit 80 attack drones at 6 na ballistic missiles na pinakawalan ng Iran at Yemen target ang Israel.
Ayon sa US Central Command (CENTCOM), kabilang dito ang isang ballistic missile mula sa launcher vehicle at 7 unmanned aerial vehicle (UAV) na nasira sa ground bago pa man maglunsad ng pag-atake sa mga lugar na kontrolado ng Iran-backed Houthis sa Yemen.
Una ng naglunsad ng drones at missiles ang Iran noong gabi ng Sabado sa Israel bilang ganti sa airstrike sa kanilang Konsulada sa Damascus, Syria noong Bril 1 na kumitil sa ilang top Islamic Revolutionary Guards commanders.
Aabot sa mahigit 300 missiles at drones ang pinakawalan ng Iran na naharang at napabagsak ng Iron Dome defense system ng Israel sa tulong ng US, Britain, France at Jordan.
Tiniyak naman ng US military na mananatili silang nakapahanda para suportahan ang depensa ng Israel laban sa mapanganib na aksiyon ng Iran at ipagpapatuloy ang pagsisikap kasama ang lahat ng kanilang reguional partners para higpitan ang seguridad sa rehiyon.