Mahigit 80 miyembro ng Kamara de Representantes ang dumalo at nakiisa sa paglulungsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Zamboanga City nitong Biyernes.
Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang 85 kongresista na dumalo sa event na naglalayong ilapit sa mga taga-Zamboanga ang serbisyo at mga programa ng gobyerno.
Ikinatuwa ni House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe, ang local host ng event, ang dami ng mga mambabatas na isa umanong pagpapakita ng pagkakaisa ng mga kongresista para matulungan ang mga nangangailangang Pilipino.
Ang Zamboanga City leg ng BPSF ang ika-16 na yugto ng serbisyo caravan na dadalhin sa lahat ng 82 probinsya sa bansa.
Bitbit ng caravan ang mahigit 400 serbisyo ng gobyerno, cash assistance at iba pang benepisyo na nagkakahalaga ng P580 milyon para sa may 111,000 benepisyaryo.
Ang pagsasama-sama ng mga kongresista, ayon kay Speaker Romualdez, ay patunay ng pakikiisa ng lehislatura kay Pangulong Marcos na makagawa ng mga makabuluhang reporma at inisyatiba para sa mga Pilipino.
Bukod kina Speaker Romualdez, Dalipe, at Zamboanga City 1st District Rep. Khymer Adan Olaso, 82 kongresista pa ang dumalo sa Zamboanga City BPSF.
Ang bilang na 85 ang pinakamalaking bilang ng mga kongresista na dumalo sa isang BPSF. Pumapangalawa ang Agusan del Norte na may 62, at sinundan ng Benguet na may 60.
Kasama sa mga lider ng Kamara na dumalo sina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales, Jr., Deputy Speaker David C. Suarez, Deputy Speaker Yasser Balindong, at Deputy Majority Leader Erwin Tulfo.
Naroon din sina Rep. Lani Mercado-Revilla at anak nitong si Rep. Bryan Revilla na kumatawan kay Sen. Ramon Revilla, Jr. sa pagtitipon.
Dumalo rin doon ang mga miyembro ng “Young Guns” gaya nina Reps. Zia Alonto Adiong, Margarita Nograles, Cheeno Miguel Almario, at Ramon Rodrigo Gutierrez para magpakita ng suporta.