Umabot na sa 891 drug suspects ang naaresto at P33.8 million halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska sa Quezon City mula Enero hanggang Abril 6 ngayong taon, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).
Ayon kay QCPD director Brig. Gen. Melecio Buslig Jr., resulta ito ng kanilang kabuuang 589 na anti-drug operations. Bukod dito, nahuli rin ang 913 wanted persons, 1,071 illegal na sugarol, at 91 suspek na sangkot sa ilegal firearms.
Bumaba rin umano ang kabuuang bilang ng krimen ng 14.90% kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, mula sa 510 na kaso patungo sa 434.
Ayon pa sa pambansang kapulisan malalaking pagbaba ang naitala sa mga pangunahing krimen tulad ng homicide (62.5%), murder (31.03%), rape (38.46%), at physical injury (26.53%).
Tumaas rin ang case clearance efficiency ng QCPD sa 99.77%, ibig sabihin halos lahat ng kasong hawak ay nalilinaw o naaksyunan.
Ayon pa kay Buslig, naging susi sa mga tagumpay na ito ang paggamit ng makabagong teknolohiya gaya ng Integrated Command, Control and Communication Center (IC3), mabilisang response, tamang deployment sa mga lugar na mataas ang insidente ng krimen, at malakas na pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Quezon City.