Nasa higit 800 enforcers ng Land Transportation Office ang sumailalim sa training sa paggamit ng Law Enforcement Handheld Mobile Device (LEHMD).
Ginagamit ang naturang handheld mobile device sa pag-iisyu ng electronic temporary operator’s permit o e-TOP sa mga pasaway na motorista.
Matutukoy rin nito kung lehitimo o peke ang lisensya ng nagmamaneho.
Sinabi ni Land Transportation Office Asec. Jay Art Tugade, nais nilang tuloy tuloy nang itaguyod ang digitalisasyon sa ahensya maging sa pagpapatupad ng batas trapiko, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Marcos na mas padaliin ang proseso sa gobyerno.
Umaasa rin ang ahensya na sa pamamagitan nito ay tuluyan nang masawata ang pangongotong at korapsyon sa enforcers.
Plano ng ahensya na simulan sa susunod na linggo ang pag-rollout ng handheld mobile device para mas maging simple, at mabilis na ang paniniket sa traffic violators.
Sa kasalukuyan, mayroong 1,200 na law enforcement handheld mobile devices ang Land Transportation Office na naka deploy sa ibat ibang rehiyon.