-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Umaabot na sa mahigit 800,000 ang tourist arrivals na naitala sa Isla ng Boracay mula Enero hanggang Mayo ngayong taon batay sa datos ng Malay Tourism Office ng lokal na pamahalaan ng Malay.

Ayon kay Malay Tourism Officer, Dr. Felix delos Santos Jr., pinakamarami pa rin ang mga domestic tourists o mga pinoy na mula sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Unti-unti na rin umanong tumataas ang bilang ng mga foreign tourists sa 30-40% gayundin ang mga overseas Filipino workers na nagbakasyon sa Boracay.

Sinabi pa ni delos Santos na sa kasagsagan ng Love Boracay at mga long weekend ay lalo pang dumadami ang mga turista dahil sa mga isinasagawang magdamagang regulated beach party.

Todo enjoy rin umano ang mga turista sa mga ino-offer na land tours, sea at aqua sports at island hopping.

Patuloy naman ang kanilang paalala sa mga turista na maging responsableng biyahero at panatilihing malinis at ligtas ang isla.

Sa kabilang daku, ikinatuwa naman ng Malay Tourism Office ang pagiging rank 9 ng Boracay sa “The World’s Most Beautiful Sunset Destinations for 2023” ng Bounce website.

Aminado si delos Santos na patuloy na dinarayo ang isla dahil sa magandang view ng sunset doon.